4 patay sa sunog na nangyari sa SK Maguindanao, Dahilan ng insidente sinadya umano!

COTABATO CITY – APAT NA MIYEMBRO ng pamilya kabilang ang ama ng tahanan ang nasawi matapos na lamunin ng apoy ang limang mga tahanan alas dos ng madaling araw kanina sa Purok Niyog, Brgy. Katuli bayan ng Sultan Kudarat Maguindanao.


Nakilala ang mga nasawi na sina Damos Araneta ang padre de pamilya, mga anak nito na sina Mujahid Araneta Grade 3 pupil, Dagul Araneta Grade 1 pupil at Vina Araneta Kindergarten.

Sa panayam ngayong umaga ng Brigada News FM Cotabato Sultan Kudarat SFO1 Muhalidin Kasan, ang chief investigator ng Bureau of Fire Protection ng bayan, nagsimula ang sunog sa bahay ni Ginoong Araneta at mabilis itong kumalat sa apat na mga kabahayan.

Kabilang sa mga nadamay na mga tahanan na natupok din ng apoy ang bahay nina Nila Usman, Gigi Araneta, Saad Zaede, at Samson Zaide na hanggang ngayon ay patuloy na inaalam ng BFP kung magkano ang danyos na iniwan ng sunog.

Naglabasan naman ang mga haka-haka mula mismo sa mga residente na sinadya di-umano ni Ginoong Damos Araneta ang pagsunog sa kanilang bahay kasama ang tatlo nitong mga anak dahil sa matinding depression.

Makikita sa mga larawan ang sunog na sunog na mga katawan ng mga biktima kung saan halos dina makilala.


Agad namang inilibing sa pangunguna ng Lokal na Pamahalaan ng bayan ang mga sunog na katawan ng mga ito base na rin sa tradisyong Islam.

Article Source: https://www.facebook.com/BNFMCotabato/posts/2002843583080434


Loading...